Pursigido si House Deputy Speaker Rufus Rodriguez na isulong ang apat na taong suspensyon ng Excise Tax sa fuel at iba pang oil products.
Ito ayon kay Rodriguez ay dahil inaasahan niyang sisirit pa ang presyo ng diesel, gasolina, cooking gas at iba pang produktong petrolyo dahil sa desisyon ng European Union na suspendihin ang 90% ng oil imports nito mula sa Russia hanggang katapusan ng 2022.
Ipinabatid ni Rodriguez na priority niyang ihain muli sa pagbubukas ng 19th Congress ang panukalang itigil ang pangongolekta ng fuel taxes sa loob ng apat na taon kung kailan inaasahan naman aniyang makakarekober na ang ekonomiya mula sa COVID-19 pandemic.
Kasabay nito, kinontra ni Rodriguez ang panukalang magpatupad ng mga bagong buwis o itaas ang kasalukuyang tax rate para makaipon nang pambayad sa halos 13 trillion pesos na utang ng bansa.