Ipinag-utos ni Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Climaco ang suspensyon lahat ng land, sea, at air transport sa lungsod dahil sa banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Alinsunod sa Executive Order no. BC 552, sinuspende ni Climaco ang lahat ng byahe sa Zamboanga City na magiging epektibo bukas, Lunes, March 16.
Ngunit nilinaw ni Climaco na hindi kabilang sa kautusang ito ang movement ng mga goods, supplies, at outgoing passenger trips.
Lahat din aniya ng mga passenger vessels, maliban ang cargo ships, partikular na iyung mga manggagaling sa Malaysia ay hindi pahihintulutang makapasok sa Zamboanga City Seaport at mga pantalan.
Gayunman, papayagan naman umanong makapag-unload o magbaba ng kanilang mga produkto ang mga cargo vessel, pero hindi maaring bumaba o mag-disembarked ang mga officers at crew ng vessel mula March 15 hanggang April 15.
Kinansela narin ni Climaco ang mga public and private mass gatherings, beach and resort recreation visits at jail visitations, maliban na lamang sa paghahatid ng mga pagkain sa mga bilanggo na lilimitahan lamang hanggang sa gate.