Ipinanawagan ni Vice President Leni Robredo ang suspensyon sa mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa umano’y korapsyon sa ahensya.
Ito aniya’y habang gumugulong ang imbestigasyon ng mga mambabatas sa mga ito.
Ayon kay Robredo, hindi sapat na inabisuhan lamang ang senado nina PhilHealth Chief Ricardo Morales at Executive Vice President Arnel De Jesus kaugnay sa kanilang medical conditions bago pa man sumapit muli ang araw ng pagpapatuloy ng pagdinig.
Giit ni Robredo, kung nahaharap ang dalawang opisyal sa matinding mga alegasyon marapat din aniya siguro na patawan ang mga ito ng suspensyon habang iniimbestigahan ang mga ito.
Aniya, kailangang masuspinde ang mga taong iniimbestigahan dahil sa umano’y katiwalian upang hindi makompromiso ang integridad ng ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad.
Una rito, nag-abiso si Morales na magli-leave of absence habang si De Jesus naman ay hindi rin makakapunta sa susunod na pagdinig dahil umano sa “unforeseen medical emergency”.