Wala pang ipinalalabas na pormal na dokumento ang Malakanyang kaugnay ng bagong itatalagang punong mahistrado ng Korte Suprema.
Kasunod ito ng pagkalat sa social media ng ulat na si Associate Justice Diosdado Peralta na ang napili ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kapalit ni Chief Justice Lucas Bersamin na nagretiro ngayong araw, Oktubre 18.
Ayon sa isang source mula sa Palasyo, wala pang eksaktong petsa kung kailan iaanunsyo ni Pangulong Duterte ang susunod na punong mahistrado.
Wala ring binanggit hinggil dito ang pangulo sa kanyang naging talumpati sa dinaluhang event kagabi sa Manila Hotel.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na wala siyang ideya kung sino ang napili para maging susunod na chief justice at binanggit din nitong posibleng i-anunsyo ito ng pangulo kagabi na hindi naman nangyari.