Suspendido ngayong araw na ito ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa 81 million dollar money laundeing scandal.
Ito ayon kay Committee Chair Teofisto Guingona ay kailangan munang ma-validate ang mga magkakaibang salaysay ng mga testigo sa nakalipas na public hearing.
Hindi aniya magkakatugma ang testimonya ng mga testigo lalo na sa panig ng remittance company na Philrem partikular sa mag-asawang Michael at Salud Bautista at sa kanilang messenger na si Mark Palmares.
Sa halip, itinakda ni Guingona ang susunod na pagdinig sa Mayo 12.
Waiver
Hindi pa rin tinutupad ng ilang nadadawit sa 81-million dollar money laundering scandal ang pangako na magsusumite ng waiver sa Senate Blue Ribbon Committee para mabusisi ang kanilang cellphone records.
Kinabibilangan ito nina casino junket operator Kim Wong, dating RCBC Branch Manager Maia Santos-Deguito at mag-asawang Michael at Salud Bautista ng Philrem.
Matatandaang sa nakalipas na pagdinig, ibinigay nila ang kanilang cellphone numbers makaraan itong hilingin ng mga senador para masuri kung sino ang nagsasabi ng totoo.
By Judith Larino | Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)