Nakikipag-areglo na sa mga biktima ang may-ari ng Toyota Landcruiser na umararo sa 12 iba pang sasakyan sa Mandaluyong City, kahapon.
Lulan ng SUV ang 19-anyos na estudyanteng si Jose Marie Roldan at kanilang family driver na si Dominador Varga nang maganap ang karambola sa kanto ng San Miguel Avenue at Shaw Boulevard.
Ayon sa Mandaluyong City Police, nagsimulang makabangga ng ibang sasakyan ang Landcruiser sa kahabaan ng San Miguel Avenue sa gitna ng rush hour, dakong alas 8:30 ng umaga.
Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver dahilan para salpukin at araruhin ang ibang mga sasakyan na ikinasugat naman ng labingtatlong indibidwal.
Nakipag-usap na sa mga biktima si Atty. Paul Roldan, ang may-ari ng SUV at ama ng estudyanteng pasahero at tiniyak na handang tumulong sa pagpapagamot sa mga nasugatan.
Itinanggi naman ng nakatatandang Roldan ang posibilidad na ang kanyang anak ang nagmamaneho ng sasakyan.
Samantala, magsisimula ngayong araw ang inquest proceedings laban sa SUV Driver kung saan si Atty. Roldan na rin ang tatayong legal counsel.