Sisimulan nang gamitin ng Quezon City Government ang swabbing booths na kahalintulad ng ginamit sa South Korea para makuha ang swab samples ng mga pasyente.
Ilalagay ang swabbing booths sa Quezon City General Hospital, Novaliches District Hospital at Rosario Maclang Bautista General Hospital.
Layon nito na maprotektahan ang health workers na matalsikan o ma-expose sa droplets na magmumula sa mga pasyente na posibleng may dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Papasok ang health worker sa selyadong booth, ilalagay ang kanyang mga kamay sa bio chemical gloves para kunin ang nose -throat swap ng isang tao na tatayo naman sa labas ng booth.
Sa ngayon, umaabot na sa 625 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Quezon City, 34 ang nasawi samantalang may 26 na naka-recover.