Dapat magkaroon ng transparency ang Sugar Regulatory Administration (SRA) sa sinasabing “Sweetheart Deals” nito sa malalaking industrial users ng refined at bottler’s grade sugar.
Ito ang panawagan ni Senator Imee Marcos, isang araw matapos ang deadline ng SRA para sa sugar importation ng isang major softdrinks manufacturer at iba pang processors ng sugared products na nakakuha ng kontrata para sa libo-libong metriko toneladang asukal.
Kinuwestyon ni Marcos, Chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs kung bakit gustong-gusto ng SRA mag-import at ano ang ipinangako sa kanila ng manufacturers ng sugared products para mapasagot sila ng “I Do”.
Ikinakatuwiran anya ng SRA ang pinsalang idinulot ng bagyong Odette kaya’t nagdesisyong umangkat ng 200,000 metric tons ng asukal.
Gayunman, inihayag ni Marcos na isinumbong sa kanya ng mga sugar farmer na isang sugar mill lamang ang nagsara noong bumagyo at sa loob lang ng isang linggoay fully operational na lahat ng sugar mill.
Nagbabala naman ang senador na maaaring hindi na kayanin ng maliliit na sugar workers hanggang sa susunod na cropping season sa Setyembre kapag bumaba ang farmgate price ng asukal dahil sa mga papasok na imported sugar bukod pa sa napakataas na presyo nito maging ng mga produktong petrolyo. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)