Iginiit ng isang labor group na pareho ang matatanggap na sweldo ng mga regular na empleyado at mga empleyadong sakop ng work from home scheme.
Ayon kay Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay, dapat ay may agreement ang manggagawa at employers hinggil sa naturang work arrangement.
Aniya, bago pumasok sa naturang programa ang isang employer ay kailangan magsumite ito ng report sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Dagdag pa nito, walang nakasaad sa batas na mababawasan ang sweldo o benepisyo na matatanggap ng mga empleyado.
Magugunitang nagpa abot ng kanilang pangamba ang ilang mambabatas hinggil sa programa dahil mababawasan umano ang sahod at benepisyo ng mga empleyadong magtatrabaho sa kanilang mga bahay.