Handang balikatin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang suweldo ng isang regular na empleyado ng mga pribadong kumpaniya na isasailalim sa quarantine kaugnay ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Iyan ang inihayag ni Labor secretary Silvestre Bello III bilang tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng isinasagawang community quarantine sa Metro Manila.
Pero palinawag ng kalihim, papasok lamang ang tulong ng pamahalaan sa sandaling maubos na ng apektadong empleyado ang kanilang leave credits salig sa itinatadhana ng batas.
Kinakailangan lang magpakita ng empleyado ng patunay mula sa pinapasukang kumpaniya na sumailalim nga siya sa quarantine para makakuha ng ayuda na ipadadala sa employer.
Para naman sa mga manggagawang nasa ilalim ng daily wage at apektado ng quarantine, sinabi ni Bello na pasok naman ang mga ito sa emergency employment program ng DOLE.