Bahagyang tumaas ang bilang ng mga pilipinong walang trabaho o unemployed sa ikatlong bahagi ng 2019.
Batay ito sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan naitala sa 21.5 percent ang joblessness rate o katumbas ng sampung milyong Filipino adult na walang trabaho.
Mas mataas ng .7% sa naitalang 20.7 percent o katumbas ng 9.8 million jobless na Filipino noong Hunyo.
Ayon sa SWS, binubuo ang nabanggit na bilang ng tinatayang 4.4 na milyong boluntaryo umalis o nagresign sa trabaho; 1.6 na milyong mga bagong graduate at first time job seekers; at 3.9 na milyong mga natanggal sa trabaho.
Sa nabanggit ding survey, lumabas na mayorya ng mga Pilipino ang tiwalang mas darami pa ang mga trabahong maaring pasukan sa susunod na 12 buwan.
Batay sa survey, 53 porsyento ng mga Filipino adults ang positibong mas darami ang trabahong maaring pasukan sa susunod na isang taon, 13 porsyento ang naniniwala namang mababawasan ang mga trabaho habang 21 porsyento ang nagsabing walang magbabago.
Nakakuha ito ng net optimism score na positive 40 o excellent pero mas mababa pa rin ito ng tatlong puntos mula sa naitalang record high na positive 43 noong Hunyo.
Isinagawa ang survey mula Setyembre 27-30 sa pamamagitan ng face to face interview sa may 1,800 mga adult Filipino sa buong bansa.