Kalahati ng mga Pilipino ang naniniwala na hindi maiiwasang may mapatay na inosente sa giyera kontra droga ng pamahalaan.
Sa survey na isinagawa ng Social Weather Station o SWS mula Setyembre 23 hanggang 27, 46% ng mga respondents ang kumbinsidong hindi maiiwasang may mapatay na inosente upang tuluyang masugpo ang iligal na droga sa bansa samantalang 35% lamang ang hindi pumabor.
Gayunman, sa kaparehong survey, 42% ng respondents ang hindi pumapabor na tama lamang na mapatay ang mga taong gumagamit o sangkot sa bentahan ng iligal na droga, habang 39% lamang ang pumabor.
Halos kalahati din ng mga Pinoy ang naniniwala na mayroong espiya ang pamahalaan sa iba’t ibang lugar upang tiktikan at i-report ang mga nagtutulak ng bawal na gamot.