Problemado ang inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan biglang umangat sa 38 percent si Davao City Mayor Rodrigo Duterte mula sa dating 11 percent lamang nitong Setyembre.
Duda si Professor Ramon Casiple, isang political analyst, kung alam ng SWS na isasapubliko ng nagkomisyon sa survey at maging ng Pulse Asia na naglabas rin ng survey kung saan nanguna rin si Duterte sa NCR.
Lulutang aniya ang problema sa sandaling magsagawa ng non-commissioned survey ang SWS o ang Pulse Asia at magkaroon ng ibang resulta.
Ipinaliwanag ni Casiple na ang inilabas na SWS at Pulse Asia surveys kung saan nanguna si Duterte ay parehong commissioned surveys kaya’t ang mga tanong ay nagmula sa kung sinuman ang nagkumisyon o nagbayad nito.
“Yun ang problem kasi under the guise na parang isang objective reading ito o snapshot ng actual situation, may tendency to hindi naman manipulation pero may bias, bias ang tawag diyan para doon sa isa o dalawang kandidato, so yung ganitong klaseng survey ay mababa ang credibility and so far as accurate reading nung situation, kung ako ang tanungin mo ang reaction ko dun eh, sige.” Ani Casiple.
Ayon kay Casiple, anuman ang survey na lumabas sa mga panahong ito ay hindi pa maaaring maging repleksyon ng aktual na mangyayari sa May 2016 elections.
Karaniwan anya na sa mga panahong ito ay namimili pa lamang ng kanilang iboboto ang mga botante.
“Kung tingnan natin itong mga lumabas na survey, biglang lumakas itong candidacy ni Mayor Duterte, at nagnu-number 1 pa sa Pulse Asia at SWS, we have to take that with caution in mind, lalo pa yung 2 lumitaw ay commissioned survey, ang malaking kaibahan kasi ng commissioned sa non-commissioned ang nagde-decide kung ano ang itatanong ay yung nagko-komisyon.” Pahayag ni Casiple.
By Len Aguirre | Ratsada Balita