Halos 11 linggo na lang bago piliin ng taumbayan ang susunod na pangulo ng bansa, naglabas ng pinakabagong resulta ng survey ang Social Weather Station (SWS) kung saan ay patuloy pa rin ang pangunguna ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. matapos magtala ng napakataas na numero kumpara sa kanyang mga katunggali.
Lumitaw sa survey na kinomisyon noong Enero 28 hanggang 31, na mahigpit ang pagkakapit ng numero ni Marcos sa top spot dahil umangat pa ito ng pitong porsiyento mula sa 43% noong October 2021 ay 50% na ito ngayong Enero.
Malayong nakasunod sa kanya si Leni Robredo na mayroon lamang 19%, samantalang sina Isko Moreno at Manny Pacquiao ay tabla sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa tig-11%, kasunod si Ping Lacson na mayroon namang anim na porsyento.
Ang iba pang presidential bets na nasa pinakabuntot ng listahan ay naghati-hati sa natitirang tatlong porsyento.
Kung matatandaan, si Leni ay nakapagtala ng 20% sa SWS survey noong Oktubre, ngunit naging 19% lamang noong Enero ngayong taon.
Kaugnay nito, malaki rin ang ibinagsak ng net satisfaction rating ni Leni sa isa pang survey na ginawa ng SWS para sa mga government officials dahil ang dating +24% nito ay +1% na lang. Ibig sabihin, 23% ang naging pagbulusok ng numero ni Robredo.
Kung pag-uusapan ang margin of error, maaaring bahagya lamang ang igagalaw ng mga naglabasang numero.
Dahil dito, maraming political analyst ang naniniwalang sobrang tibay na ng mga natatamong numero ni Marcos mula sa mga botanteng mamamayan.
Kapansin-pansin din ang malaking kalamangan ni Marcos kumpara sa mga kapwa presidential bets kung titingnan ang resulta ng survey ng mga independent groups.
na Laylo Research Strategies at ng Tangere, maging ang lumabas na numero sa Bicol region na balwarte sana ni Robredo.
Sa resulta ng Laylo sa Bicol Region noong January 2022, si Marcos ay 51% kumpara sa 33% ni Leni.
Malaki rin ang kalamangan ni Marcos sa Bicol noong November 2021 survey dahil ang nakuha nito ay 45%, samantalang si Leni ay 29%.
Samantala, sa Tangere survey noong January 2022, si Marcos ay nanguna rin sa Bicol province survey sa 45.27% kumpara sa 25.57% na nakuha ni Leni.
Ang Tangere ang pinakamalaking online market research panel sa bansa at ang Bicol naman na kahit itinuturing na balwarte ni Leni, ay naungusan pa rin ni Marcos.
Sa resulta naman ng Kalye Survey, una rin si Marcos sa nakuha niyang 60.30 percent, habang malayo ring nakasunod si Leni na may kulelat na 9.77%.