Ikinatuwa ng Malakaniyang ang panibagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing bumaba ang bilang ng mga Pilipinong nakakaranas ng kahirapan at pagka-gutom.
Ang resulta ng survey, ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar ay patunay na ramdam ng mga Pilipino ang mga programang ipinatutupad ng gobyerno para tugunan ang kahirapan.
Binigyang diin ni Andanar na malaking bagay sa Palasyo ang halos 1% pagbaba ng bilang ng mga nagugutom dahil nangangahulugan itong nasa 200,000 pamilya ang nalamnan ang sikmura.
Tiniyak ni Andanar na pag-iigihan pa ng gobyerno ang pagtugon sa kahirapan sa pamamagitan ng maayos na pagpapatupad ng mga programa tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Free Education Act at Universal Health care Act.
Pinagsisikapan din aniya ng gobyerno na makapagbigay ng dagdag trabaho sa mga Pilipino gaya ng Government internship program at job start pati na ang pagbibigay priority sa agriculture at aquaculture sector, comprehensive agrarian reform program at mga proyektong pang imprastruktura.