Hindi kinagat ng mas nakararaming mga Pilipino ang alibi o katuwiran ng mga pulis na nanlaban ang mga drug suspek na napapatay sa anti-illegal drugs operations.
Batay ito sa inilabas na survey ng SWS o Social Weather Stations kung saan, pumapalo sa 54 na porsyento ang naniniwalang sinadya ang mga pagpatay sa drug suspek.
Dalawampung porsyento ang naniniwalang nanlaban ang mga napapatay na drug suspek habang ang nalalabing bahagi naman ang hindi makapagpasya.
Isinagawa ang second quarter survey ng SWS mula Hunyo 23 hanggang 26 sa 1,200 mga repondents sa buong bansa.
Sa panig ng Malacañang, inihayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na mayroong pointed o leading questions sa survey na posibleng naka-impluwensya sa sagot ng mga respondent.
Kasunod nito, nanawagan si Abella sa mga survey firm na maging maingat sa pagtatanong upang makakuha ng pinakamalapit na pulso ng taumbayan.
Samantala, ikinabahala naman ni Senador Panfilo Lacson ang resulta ng pinakabagong survey ng SWS hinggil sa mga nasasawi sa war on drugs.
Ayon kay Lacson, nahaharap sa malaking problema ang pamahalaan kung mapatutunayan ng mga datos ang inilabas na survey lalo pa’t ginagamitan ito ng siensya.
Hindi aniya malayo sa katotohanan ang sagot ng mga respondents dahil bagama’t may ilan dito na pananaw lamang, posibleng karamihan dito ay mismong nakasaksi sa mga ikinasang operasyon ng pulisya.
Magugunitang lumabas sa nasabing survey na mahigit kalahati sa mga Pilipino ang naniniwalang hindi nanlaban ang mga napapatay na drug suspek sa mga ikinakasang operasyon ng pulisya kontra iligal na droga.
‘PNP answers’
Iginiit naman ng PNP o Philippine National Police na nanlaban ang mga suspek na napatay ng mga pulis sa kanilang mga anti-drug operations.
Ayon kay PNP Spokesman Chief/Supt. Dionardo Carlos, nakahanda silang patunayang nanlaban ang mga napapatay na mga drug suspects, batay na rin sa kanilang mga isinasagawang mga imbestigasyon at nakakalap na ebidensya.
Dagdag ni Carlos, patunay rin aniya ang nasa 85 mga pulis at sundalong nasawi sa anti-drug operations na may nanlalaban talagang mga suspek.
Kinuwestiyon din ni Carlos ang paraan at pagbuo ng tanong sa survey ng SWS dahil maaaring naapektuhan na nito ang kaisipan o pananaw ng respondents.
—-