Itinanggi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mayroon na silang inaaprubahang pagbabago sa pamasahe.
Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra, wala pa sa kanilang plano ang pagtataas ng pasahe lalo na’t apektado ang marami ng krisis bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Gayunman sinabi ni Delgra na mayroon silang inihahandang incentives para makatulong sa pangangailangan ng transport sector at commuters.
Kaugnay nito, ipinabatid ni Transportation Secretary Arthur Tugade na isinumite na ng Department of Transportation (DOTr) sa Kongreso ang panukalang maisama ang mga operator at driver sa stimulus package ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng krisis dulot ng COVID-19.