Naghahanda na ang ilang PUV drivers at operators sa nakaambang anim na pisong taas-presyo sa langis sa susunod na linggo.
Ayon kay Zaldy Ping, National President ng Stop & Go Coalition, nawawalan na sila ng pag-asa na maaprubahan ang isinusulong na taas-pasahe dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng langis.
Gayunman, i-aapela pa rin nila ito sa susunod na administrasyon sa pamumuno ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Samantala, ikinokonsidera na rin ng Stop & Go Coalition kasama ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) ang paglipat sa Electric jeepneys.
Ito ay para makaiwas sa lumalala pang epekto ng oil price hike.
Isasangguni ng grupo ang plano sa oras na magkaroon na ng bagong pinuno ang DOTr at LTFRB.