Inaasahang tataas pa ang global at domestic prices ng krudo dahil sa nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine na magtutulak sa inflation na malampasan ang target range ng gobyerno na 2% hanggang 4%.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), inaasahang sisipa sa 4.3% ang inflation rate sa bansa kumpara sa 3.7% outlook sa isinagawang Monetary Board Policy meeting noong Pebrero.
Inihayag ni BSP Governor Benjamin Diokno na itinaas din sa 3.6% mula sa 3.3% ang pagtaya sa inflation para sa susunod na taon.
Maaari anyang maapektuhan ng nagpapatuloy na digmaan ang ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Ang Russia at Ukraine ay major exporters ng basic commodities gaya ng langis, natural gas, harina, aluminum at abono o pataba.