Nililinis lamang ng gobyerno ang hanay ng mga importers laban sa mga smugglers kaya nagmahal ang presyo ng mga imported canned goods.
Ito ang opinyon ni Steven Cua, Presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association.
Ayon kay Cua, tamang presyo ng mga imported canned goods ang idinedeklara ngayon ng mga importers kaya tumaas din ang kanilang customs duty o buwis na binabayaran kumpara noon na maraming smuggled imported canned goods kaya mura ang presyo nito.
Aniya, binabawi lamang ng mga importers sa mga consumers ang mataas na singil sa buwis ng mga imported items kaya tumaas ang presyo nito.
Umaaray na nga ang ilang mamimili sa biglang pagsirit ng presyo imported canned goods tulad ng luncheon meat.
Mula sa dating P79 pesos, umakyat na sa P90 hanggang P105 pesos ang presyo ng isang kilalang Chinese brand luncheon meat habang P136 pesos na ang presyo ng isang American brand mula sa dating P98 pesos.
Inihayag ni Steven Cua, Pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, itinama lamang ng Bureau of Customs ang sinisingil sa mga importer at inaasahang magtutuloy-tuloy pa ito.
Bukod sa canned goods, nagtaas din ng presyo ang baking soda, biskuwit at sitsirya.
By Mariboy Ysibido | Jaymark Dagala | Ratsada Balita