Inihayag ng Philippine Statistics Authority na bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Ayon kay PSA at National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa, nitong buwan ng Agosto pumalo sa 6.3% mula sa dating 6.4% noong buwan ng Hulyo ang inflation rate o ang paggalaw ng presyo sa bansa.
Kabilang sa mabagal na paggalaw ng presyo ay ang transportasyon, information and communication, pagkain, at inuming hindi nakalalasing pero malayo pa ito para masabing humupa na ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin.
Siyam naman sa pangkat ng mga bilihin ang nagmahal na binubuo ng mga alak at sigarilyo, damit at sapatos, upa kasama na ang tubig, kuryente at gas at iba pang panggatong.
Bukod pa dito, nagmahal narin ang presyo ng mga kagamitan at pagkukumpuni sa bahay, maging ang kalusugan, recreation, sports and culture, edukasyon, mga restaurant, hotel, personal care products at serbisyo.
Samantala, nananatili naman ang presyo sa financial services kung saan mabibilang ang mga bangko, e-wallet, insurance at iba pa.