Ipatutupad na ngayong araw ng Gardenia Bakeries Philippines Incorporated ang P3.00 taas-presyo sa kanilang tinapay maliban na lamang sa Pinoy Tasty at Pinoy Pan de sal.
Ayon sa Gardenia Company, maningingil sila ng dagdag na P3.00 sa kada 600 grams ng tasty na classic white bread loaf kung saan, mula sa dating P79, magiging P82 na ito.
Dalawang piso naman ang magiging dagdag sa presyo ng kada 400 grams nito na nagkakahalaga na ngayon ng P57 mula sa dating P55.
Nasa P52 naman mula sa ang dating P49.50, ang itinaas sa presyo ng mas murang brand ng Gardenia na Neubake matapos madagdagan ng P2.50 sa kada 450 grams.
Magiging P55 naman mula sa dating P53 ang Premium pandesal habang P53 mula sa dating P50 ang presyo ng Soft delight pandesal na family pack.
Ayon sa naturang kumpaniya, July 2022 pa nang huling nagmahal ang presyo ng kanilang produkto kaya panahon na para magdagdag sila ng singil dahil nagmahal na rin ang maraming sangkap sa paggawa ng tinapay kabilang na ang trigo na ginagawang harina; asukal at asin.
Nilinaw naman ng Gardenia Philippines na hindi muna nila itataas ang presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pan de sal dahil kabilang ito sa basic necessities and prime commodities ng Department of Trade and Industry (DTI) na nangangailangan ng Suggested Retail Price (SRP) bago taasan ng presyo.