Posibleng magpatupad ng taas-presyo sa noche buena products ngayong taon.
Ito, ayon sa Department of Trade and Industry, ay dahil humiling na ng price increase ang mga manufacturer at supplier sa kanilang mga produkto.
Nilinaw ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na noong isang taon ay napako ang presyo ng noche buena products dahil sa pakiusap ng kagawaran sa mga manufacturer kaya’t susubukan muli nilang makiusap.
Isa sa inaasahang magtataas ng presyo ang lahat ng klase ng ham makaraang humirit ng dagdag-presyo ang Philippine Association of Meat Processors Inc. o PAMPI lalo’t taong 2019 pa huling gumalaw ang presyo nito.
Sa kabila nito ay tiniyak ng PAMPI na magkakaroon ng sapat na suplay ng ham ngayong taon.
Nakatakda namang ilabas ng DTI sa katapusan ng Oktubre ang bagong price guide sa noche buena products. —sa panulat ni Drew Nacino