Pagpapataas ng sahod at pagpapababa sa presyo ng bilihin ang dalawa sa pangunahing nais marinig ng sambayanan sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay ito sa survey ng Pulse Asia sa may 1,200 respondents mula June 24 hanggang June 30.
Batay sa survey, 17.1% ang nagsabi na gusto nilang marinig mula sa pangulo ang isyu ng pagpapataas sa sahod at pagpapababa sa presyo ng bilihin.
Pagpapalaganap at pagbibigay ng trabaho naman ang nais na marinig ng 15.2%.
Nais naman ng 9.2% na talakayin ng pangulo ang isyu sa Tsina lalo na ang soberenya ng Pilipinas samantalang 6.1% ang nagnanais na ipaglaban ng pangulo ang soberenya ng Pilipinas partikular ang West Philippine Sea.
Samantala, mahigit sa 3% ang nagsabi na dapat huwag magpa-under sa China ang Pilipinas at ipaliwanag ang patakaran ng pamahalaan sa pakikitungo nito sa China.