Sigurado na ang ikalawang sigwada ng pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa pamahalaan, sundalo at pulis ngayong taon.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, mayroon na itong pondo sa ilalim ng 2017 national budget.
Gayunman, sinabi ni Diokno na kailangan pa rin nilang dumulog sa Kongreso upang humingi ng isang batas para sa pagkakaloob ng umento sa sahod para sa mga manggagawa ng gobyerno.
Ito na ang ikalawang taon na makakatanggap ng umento sa sahod ang mga manggagawa ng pamahalaan kasama na ang militar at pulis.
Noong Pebrero ng nakaraang taon, lumagda ng executive order si dating Pangulong Benigno Aquino III para sa dagdag na sahod ng mga manggagawa ng pamahalaan matapos mabigo ang Kongreso na ipasa ang Salary Standardization Law 4.
Noon ring nakaraang taon, itinaas ng Duterte administration ng 200 percent ang combat pay ng mga sundalo at pulis.
By Len Aguirre