Ipinanukala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang umento sa sahod ng mga nurse sa pribadong sektor na minimum wage pa rin hanggang sa ngayon.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, isa talaga sa mga dahilan kung bakit umaalis ang mga nurse sa bansa ay dahil sa maliit na sahod na kanilang natatanggap.
Handa aniya siyang iprisinta sa Inter-Agency Task Force ang panukala para taasan ang sahod ng mga nurse at medical workers sa pribadong sektor kapantay ng natatanggap ng mga medical worker sa pampublikong sektor.
Gayunman, sinabi ni Bello na malaki ang maitutulong kung mayroong maghahain ng mga pormal na reklamo sa mga ospital para maaksyunan ito.
Samantala, ikinatuwa naman ng Filipino Nurses United ang hakbang ng DOLE at anila’y maliban sa sahod ay marami pa umano ang dapat ayusin.