Posibleng maudlot ang nakaambang taas-singil sa tubig sa Enero ng susunod na taon.
Ito’y kasunod ng pagbatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa arbitration ruling ng Singapore.
Ayon kay Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) chief regulator Patrick Ty, pinakikiusapan nila ang dalawang water concessionaire na huwag munang ituloy ang water rate hike.
Magugunitang sumulat na ang Manila Water sa MWSS nitong Martes, Disyembre 3, para humiling ng diyalogo kung kailangan ipapatupad ang taas-singil sa tubig.
Nabatid na bahagi ng rate rebasing ang ipinapatupad na taas-singil ng Maynilad at Manila Water, na nagaganap kada limang taon.
Batay sa inilabas na ruling, inaatasan ang gobyerno na magbayad ng P7.4-billion sa Manila Water at P3.4-billion sa Maynilad.