Hindi napapanahon o bad timing ang taas-singil sa interbank transactions ng mga ATM.
Ito ang inihayag ni Makati Representative Luis Campos Jr., aniya hindi ito ang tamang panahon para magtaas ng singil para sa fee o bayarin ng interbank transaction dahil ang lahat naman anito ay naapektuhan ng pandemya ng COVID-19.
Kabilang dito ang pagkawala ng trabaho maging sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Kung kaya’t umapela si Campos sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ipagpaliban muna nito ang pagpapatupad ng mataas na fee sa mga ATM transactions.
Sa pagtataya ni Campos, tataas ang singil sa ATM transactions sa 63% mula sa buwan ng Abril sang-ayon sa inaprubahang resolusyon ng BSP.
Ibig sabihin, simula sa ika-siete ng Abril, nasa P10 hanggang P18 na ang singil sa kada withdrawal transaction.
P1.50 hanggang P2 namang ang bayad sa kada balance inquiry kung ang terminal ng ATM ay hindi pagmamay-ari ng inyong bangko.