Nanganganib na namang tumaas ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (MERALCO) maging ng iba pang power distributor lalo sa Luzon sa susunod na buwan kasabay ng pagtaas ng singil sa tubig ng Maynilad.
Ito’y bunsod ng paggamit ng mas mahal na panggatong ng mga power plant na sinu-suplayan ng Malampaya na halos isang linggo ng limitado ang produksyon ng natural gas nitong kalagitnaan ng Mayo.
Tumaas din ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market kung saan umabot sa halos P30 kada kilowatt hour kaya’t posible itong mag-resulta sa muling pagtaas ng generation charge ng MERALCO sa June.
Kabilang din sa mga sanhi ng posibleng power rate hike sa susunod na buwan ay ang tigil operasyon ng mga planta ng Pagbilao 1 at 2, Sual Unit 1, San Lorenzo, Santa Rita at Ilijan na hindi pinayagang mag-maintenance shutdown sa kasagsagan ng tag-init.
Samantala, nasa 1,430 megawatts ang matatapyas na supply ng kuryente sa Luzon Grid sa Hunyo, 680 megawatts sa Hulyo at 650 megawatts sa Agosto subalit maaaring mameligro ang supply sakaling bumigay ang ilang planta.