Ibinabala ng Department of Energy (DOE) ang posibilidad na magtaas pa ng singil sa kuryente ang mga power distributor sa mga susunod na buwan.
Ito’y dahil sa nakaambang maintenance shutdown ng Malampaya natural gas facility na tatagal ng dalawampu’t limang (25) araw mula Enero 28 hanggang Pebrero 16.
Ayon kay Energy Spokesman at Undersecretary Whimpy Fuentebella, posibleng tumaas ng hanggang piso at dalawampung sentimos (P1.20) ang singil sa kada kilowatt hour sa sandaling magsara na ang Malampaya.
Maliban dito, ibinabala rin ng Energy department na posibleng magmahal pang lalo ang presyo ng kuryente sa sandaling patawan din ng excise tax ang mga produktong petrolyo.
Paliwanag ni Fuentebella, gumagamit din kasi aniya ng petrolyo ang mga planta ng kuryente kaya’t tiyak na ipapasa ito ng mga distributor sa mga konsyumer.
By Jaymark Dagala | Allan Francisco (Patrol 25)