Bubungad sa mga customer ng Manila Electric Company (MERALCO) ang dagdag singil sa kuryente pagpasok ng buwan ng Abril.
Walong sentimos (P0.08) kada kilowatt hour ang ipatutupad na dagdag singil ng MERALCO dahil sa dagdag na feed in tariff.
Ang feed in tariff ang halagang sinisingil ng mga renewable energy developers bilang insentibo sa pagsusuplay ng mas malinis na kuryente.
Dahil dito, asahan na ang P8 dagdag singil para sa mga kumokonsumo ng 100 kilowatts per hour habang P16 naman para sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatts per hour.
Masusundan pa ang taas singil sa kuryente hanggang sa pagsapit ng buwan ng Mayo at inaasahang magtatagal pa ng hanggang sa susunod na mga buwan.
Ito’y makaraang aprubahan ng Energy Regulatory Commission o ERC ang hiling ng power sector assets and liabilities management o PSALM na marekober ang differential ancillary service charge.
Ito’y bilang kabayaran naman sa serbisyong ibinigay ng National Power Corporation o NAPOCOR na hindi nasingil sa pagitan ng march 2008 hanggang Oktubre ng taong 2009.
Binabayaran ang ancillary charges para matiyak ang maayos na daloy ng suplay ng kuryente sa transmission.
Ayon sa ERC, kinakailangang mabayaran ang 1.5 bilyong pisong ancillary charges para sa Luzon, 1.9 na bilyong piso para sa Visayas habang 1.8 bilyong piso naman para sa Mindanao.
Dahil dito, kabuuang P0.65 ang idaragdag sa singil ng MERALCO para sa Luzon, Visayan Electric Cooperative at Davao Light naman para sa Mindanao.
By Jaymark Dagala