Aarangkada na ngayong araw, Martes, January 18, hanggang January 24, 2022 ang ikatlong linggong taas-singil sa presyo ng produktong petrolyo.
Papalo sa halos P1 hanggang mahigit P2 ang dagdag singil sa presyo ng gasolina, diesel at kerosene.
Ayon sa kumpaniyang Chevron Philippines Inc. Caltex, Flying V, Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Seaoil Philippines Inc., maglalaro sa P0.90 centavos ang dagdag presyo sa kada litro ng gasolina; P0.80 centavos sa diesel; habang P2.30 centavos naman ang singil sa presyo sa kada litro ng kerosene.
Ang Cleanfuel, Petro Gazz, Ptt Philippines Corp., at Unioil Petroleum Philippines Inc., naman ay magpapatupad ng kaparehong pagbabago sa presyo pero hindi kasama dito ang kerosene.
Ipatutupad ang taas-singil sa presyo ng gasolina mamayang alas-sais ng umaga maliban sa Cleanfuel na magpapatupad mamayang alas-kuwatro ng hapon habang ang Caltex naman ay magpapatupad ng alas-dose ng tanghali sa parehong araw.
Nabatid na patuloy na naghihigpit ang supply kasabay ng pagtaas ng demand ng langis dahil sa banta ng COVID-19 at panibagong Omicron variant sa bansa..—sa panulat ni Angelica Doctolero