Asahan na ang taas singil sa tubig ng Manila Water Company at Maynilad Water Services Incorporated simula ngayong Oktubre.
Ito ay matapos aprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Board of trustees ang hirit na pagtaas sa Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) ng 2 water concessionaire para sa ika-apat na bahagi ng taon.
Ayon sa MWSS regulatory office, aprubado na ang 2 centavos per cubic meter na taas sa singil ng Maynilad habang 17 centavos per cubic meter naman sa Manila Water.
Nangangahulugan ito ng dagdag na 9 centavos sa bill ng mga costumers ng Maynilad na kumukonsumo ng 10 cubic meter kada buwan.
34 centavos na naman sa mga kumukonsumo ng 20 cubic meters at nasa 70 centavos na dagdag sa bill ng mga komukonsumo ng 30 cubic meters kada buwan.
Habang sa mga consumers ng Manila Water, inaasahan ang 93 centavos na dagdag sa bill ng mga komukonsumo ng 10 cubic meters; 2 pesos at 6 centavos sa mga komukonsumo ng 20 cubic meters at 4 pesos at 20 centavos sa 30 cubic meters kada buwan.
Epektibo ang rate adjustment ng Maynilad at Manila Water sa Oktubre 13.