Nagbabadya sa susunod na buwan ang panibagong dagdag singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water.
Siyete pesos at trenta sentimos (P7.30) kada cubic meter ang hirit ng Manila Water habang sais pesos at nobenta’y singko sentimos (P6.95) sa Maynilad.
Bagaman hindi pa kinukumpirma ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office, tiniyak nito na uutay-utayin ang dagdag-singil sa loob ng apat na taon na magsisimula sa Oktubre sa oras na aprubahan.
Ipi-presenta naman ngayong araw ng MWSS-RO sa publiko ang rekomendasyon nilang dagdag-singil ng mga nasabing water concessionaire.
Isasagawa ang public consultation sa Cainta Elementary School sa Rizal ng Manila Water habang sa Biyernes ang konsultasyon ng Maynilad sa Imus Sports Complex sa Cavite.
—-