Inaasahang matatanggap na ngayong araw ng mga empleyado ng gobyerno ang retroactive pay para sa kanilang taas suweldo para sa nakalipas na tatlong buwan.
Matatandaang nagpalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order 76 para magamit ang pondo sa ilalim ng 2018 re-enacted budget para maibigay ang ika-apat na tranche ng salary adjustment sa lahat ng mga empleyado ng gobyerno.
Kaugnay nito, ipinalabas ni Department of Budget and Management (DBM) Officer in Charge Janet Abuel ang National Budget Circular Number 575 o ang implementasyon ng dagdag kompensasyon sa lahat ng mga civilian personnel ng gobyerno.
Inaasahang makikinabang sa retro ang higit isang milyong mga empleyado ng gobyerno mula sa Pangulo hanggang sa pinakamababang kawani nito.
Dahil dito, susuweldo na si Pangulong Duterte ng 399,739 pesos mula sa dating 298, 083 pesos habang ang Vice President, Senate President, House Speaker at Chief Justice ay tatanggap ng 353, 470 pesos mula sa dating suweldo na 264,721.
Kasama rin sa makikinabang dito ang mga guro na tatanggap ng 22, 829 pesos mula sa dating 20, 179 pesos para sa mga entry level teacher.
—-