Pansamantalang ipinasara ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang Daniel Z. Romualdez airport sa Tacloban City.
Sa ipinalabas na abiso ng CAAP, isinara ang Tacloban City airport simula 5:30 ng hapon nitong Miyerkules at tatagal hanggang 9:00 ng gabi ng Huwebes.
Ayon sa CAAP, ito ay upang bigyang daan ang pagsasaayos sa butas sa runway ng nasabing paliparan na dulot naman ng walang patid na pag-uulan.
Dahil dito nagpa-abiso na ang Cebu Pacific at Philippine Airlines kaugnay ng kanilang mga kanseladong flights ngayong araw ng Huwebes.
Kabilang dito ang 14 na mga biyahe ng mga eroplano ng Cebu Pacific at 4 na flights ng Philppine Airlines na may rutang mula Manila at Cebu patungong Tacloban City at pabalik.
Maaari namang magpa-rebook sa ibang araw o sa pinakamalapit na ruta ang mga naapektuhang pasahero.