Mas pipiliin ng mga taga-Tacloban na ipagdiwang ang kapistahan ng Santo Niño De Tacloban kaysa salubungin ang mga ‘bastos’ at ‘kalapastanganan’ umano na protesta katulad ng ginagawa ng Maisug rallyists.
Ito ang idiniin ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez ukol sa tangkang prayer rally ng Maisug na pinangungunahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Mayor Romualdez, maraming relihiyosong residente sa lungsod na natatakot na dahil sa pagmumura at hindi magandang sinasabi ng Maisug rallyists.
Dagdag pa ng alkalde, hindi dapat sa kalye inaayos ang ganitong isyu. Aniya, bise presidente naman ang anak ng dating pangulo na si Vice Pres. Sara Duterte at maaari nitong kausapin si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. anumang oras.
Kaugnay nito, binatikos din ni Mayor Romualdez ang tila pamimilit ng Maisug Rallyists sa mga residente na lumabas habang nananalasa ang bagyong aghon sa lugar. Binigyang-diin niyang pinoprotektahan lamang ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga mamamayan.
Sinang-ayunangan naman ito ni Tingog Party-List Rep. Jude Acidre na nagsabing huwag sana gamitin ang pamamaraang ito upang mambastos dahil aniya, mas marami pang mura ang naririnig sa prayer rally ng grupo, kaysa panalangin.
Sa kabilang banda, nakatuon naman si Pangulong Marcos sa kanyang trabaho bilang pinuno ng Pilipinas.
Sa katunayan, sa kanyang two-day state visit sa Brunei, ilang mahahalagang kasunduan na ang nalagdaan sa unang araw pa lamang niya sa bansa, na ayon kay House Speaker Martin Romualdez, tiyak na mapakikinabangan dahil inaasahang lilikha ang mga ito ng mas maraming trabaho at magpapalaki sa kita ng mga Pilipino.