Nilinaw ng Commission on Elections na puwede pa ring i-promote o ikampanya ng mga taga-suporta ang kanilang nais na kandidato para sa halalan 2022.
Ito ay matapos ang ipatupad ang pagbabawal sa mga kandidato at political parties na mangampanya simula ngayong araw, May 8 hanggang bukas, Mayo 9 o ang mismong araw ng eleksyon.
Ayon kay Comelec commissioner George Garcia, mahirap pigilan ang publiko dahil ang pagpapakita ng suporta sa kanilang mga kandidato ay bahagi ng kanilang karapatan at freedom of expression.
Aniya, hindi nila kakasuhan ang mga taga-suporta dahil ang nasabing batas ay sumasakop lamang sa mga kandidato at political parties.
Pero ibang usapan na raw kung magsasagawa ng house-to-house visits ang mga taga-suporta dahil maaari nila itong ikategorya bilang pangangampanya ng mga campaign team.
Maliban dito, mino-monitor na rin ng ahensya ang “mass and group texting” na may kaugnayan sa mga kandidato dahil isang uri raw ito ng pangangampanya gayundin ang pamamahagi ng mga sample ballots.
Paalala ng Comelec, sakaling may mag-abot sa kanila ng sample ballots, puwede nila itong tanggihan at mas makakabuti kung magdadala na lamang ng sariling listahan.