Dinagsa pa rin ng maraming bakasyunista ang lungsod ng Tagaytay sa mismong araw ng Pasko sa kabila ng umiiral pa ring pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Nabatid na halos hindi na nasunod ang health protocols ng COVID-19 partikular na ang social distancing dahil sa dami ng tao sa lugar.
May ilang pamilya pa na pilit pa ring inilusot ang kanilang mga menor de edad na anak sa kabila ng ordinansang nagbabawal sa mga ito na tumungo sa mga pampublikong lugar.
Gayunman, agad pinauwi ng mga awtoridad ang mga nahuli nilang menor de edad na pagala-gala upang hindi na maging bantad pa sa hawaan ng COVID-19.