May pangangailangan na para sa pagsasaliksik ng Pilipinas sa natatagong yaman sa Benham Rise.
Ito ang inihayag ni dating National Security Adviser at Congressman Roilo Golez kaugnay sa pinangangambahang tuluyang pag-okupa ng China sa nasabing teritoryo.
Sa panayam ng “Balitang Todong Lakas”, sinabi ni Golez na napag-alaman niya na noong isang taon ay nagbigay na ang Amerika ng research vessel sa bansa, ang BRP Velasquez na napunta sa Philippine Navy para sa planong pag-aaral sa Benham Rise.
“Sila ay nasa ongoing training sa Amerika at hopefully itong taon na ito makabalik sila para makapagsimula na silang mag-research sa Benham Rise para malaman natin kung ano ang nasa ilalim niyan. Maraming geologist ang nagsasabi na malaki ang posibilidad na may kayamanan tayo diyan, napakalaking dagat, baka may oil, gas o mineral kaya dapat ipagtanggol natin yan.” Ani Golez
Iginiit ni Golez na iisa lang ang dahilan ng pagpapadala ng survey ship ng China sa bahagi ng Benham Rise ito ay para matyagan at alamin din ang yaman na nasa ilalim ng karagatang sakop nito.
“Kinumpirma mismo ng DND na may survey ship doon, at ako’y nangangamba kasi survey ship yan eh at kilala ang China sa mahusay na survey capability pagdating sa mga karagatan. Ang pinangangamba natin baka maunahan pa tayo.” Dagdag ni Golez
Aniya mahalagang magpadala ang Pilipinas ng malakas na diplomatic protest para i-protesta ang presensya ng China sa Benham Rise.
Hindi rin kinagat ni Golez ang paliwanag ng China na ‘innocent passage’ lang ang presensya nila sa Benham Rise.
“Sino naman ang maniniwala na dumadaan lang sila, eh tatlong (3) buwan silang namalagi diyan, umiikot, nagtagal at ako’y nangangamba na marami na silang napag-alaman kung ano ang nilalaman ng karagatan diyan.” Pahayag ni Golez
Muling binigyang diin ni Golez na teritoryo ng Pilipinas ang Benham Rise at hindi lang sa exclusive economic zone ng bansa.
“Magandang nanindigan ang Department of Defense dito, sana ay i-presenta nila ang security implication kapag hindi tayo kumilos dito sa Benham Rise, dalawang bagay ang importante diyan, yung strategic security consideration at ang kayamanan natin sa dagat na yan na dapat ipaglaban, klaro sa konstitusyon na dapat pangalagaan ng estado ang marine wealth inside our territorial sea and under the exclusive economic zone, mandato ito ng constitution, there are no ifs and buts, dapat ipaglaban natin ito.” Giit ni Golez
By Aiza Rendon | Balitang Todong Lakas (Interview)