Naglaan ng P1-bilyong pondo ang pamahalaang lungsod ng Taguig para sa pagbili ng bakuna na kanilang ibibigay nang libre sa mga residente ng lungsod.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, ito’y bahagi ng kanilang hakbang na labanan ang pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ani Cayetano, nakikipag-ugnayan sila sa national government kaugnay sa vaccination delivery plan ng lungsod.
Kaugnay nito, naglaan na rin ng P200-milyong pondo ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong para sa sarili nitong vaccination program.
Ani Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, may binuo na siyang komite para masiguro na may sapat na bakuna para sa kabuuang populasyon ng lungsod ng Mandaluyong.
Magugunitang naunang naghayag ang lokal na pamahalaan ng Maynila na ito’y magbibigay ng libreng bakuna sa kanilang mga nasasakupan, at sinundan din ng iba pang lungsod sa National Capital Region (NCR).