Nakapagtala ng ‘1 day record high’ na bilang ng mga nabakunahan kontra COVID-19 ang Lungsod ng Taguig.
Ayon sa abiso ng lokal na pamahalaan ng Taguig, na ang naturang datos ay naitala noong katapusan ng buwan ng Hulyo na aabot sa 200% ng target ng National Vaccination Operations Center na mabakunahan kada araw na nasa 8,000 lamang.
Giit ng lokal na pamahalaan na ang nakamit na ‘1 day record high’ na nabakunahan ay dahil sa walang humpay na pagsasakripisyo ng mga health workers at vaccination teams ng lungsod sang-ayon sa agresibong laban nito na masugpo ang banta ng COVID-19 maging ang mas nakahahawang Delta variant.
Bukod dito, pinasalamatan din ang mga residente ng lungsod dahil sa pagpunta sa mga vaccination hubs, busses maging ang nagpapatuloy na Home Service Vaccination Program sa mga nakatatandang bedridden.
Sa huli, nanawagan si Taguig City Mayor Lino Cayetano sa kanyang mga nasasakupan na huwag palagpasin ang pagkakataong mabakunahan lalo na sa panahon ng muling pagsasailalim ng Metro Manila sa mahigpit na quarantine status sa Agosto 6 hanggang 20.
Ito aniya ay para matiyak ng bawat isa na may panangga sa banta ng COVID-19 at variants nito.