Hinimok ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang mga residente nito na gumamit ng bisikleta bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Bicycle Day.
Ngayong araw, isinagawa ang 25-km Taguig Bicycle Loop Challenge na nagsimula sa Taguig City Hall at bumagtas sa BGC, Brgy. Fort Bonifacio hanggang sa Brgy. Upper Bicutan.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, mainam na gamitin ang bisikleta bilang alternatibong uri ng transportasyon ngayong bumabalik na muli sa normal ang kalagayan ng trapiko sa Metro Manila.
Bukod pa rito, nakatutulong din ang pagbibisikleta sa pagpapanatili ng isang malakas at malusog na pangangatawan lalo pa’t umiiral pa rin ang COVID-19 pandemic.
Kasalukuyang makikita rin sa Taguig ang 60 kilometrong bike lane partikular sa kahabaan ng Cayetano Blvd., Bayani Rd. at C6 road.