Abot-kamay na ng pamahalaan ang tagumpay upang ganap na malinis sa ISIS-Maute ang Marawi City.
Inihayag ito ni AFP o Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Año matapos mabawi ng militar ang Dansalan College na sinasabing pinaka-kuta ng ISIS-Maute at naging puwesto ng kanilang snipers at machine gun.
Ayon kay Año, limang gusali pa ang nabawi nila hanggang kahapon mula sa mga terorista.
“Mas lumiit na yung hinahawakan nilang lugar at mas mabilis na rin ang pag-clear natin, pansin din namin na hindi na ganun kalakas ang resistance ng kalaban kung ikukumpara natin sa dalawa o tatlong linggong nakalipas, malapit na po, ang iniiwasan lang natin dito ay madagdagan ang casualty ng mga inosenteng sibilyan, pati ang mga sundalo natin hanggat maaari na huwag nang madagdagan ang casualty although hindi maiiwasan.” Ani Año
Kasabay nito, umapela sa mga religious leaders ng Muslim si Año na gamitin ang kanilang impluwensya upang mapaalis sa mga mosque ang mga nagtatagong terorista.
“Meron na tayong na-clear na mga mosque na masasabi nating wala nang laman na mga armado pero meron pa ring malalaking mosque kung saan nagtatago ang Maute-ISIS terrorists na ito, kaya nga nakikiusap tayo sa ating religious Muslim leaders na gamitin ang kanilang impluwensya para iwanan o umalis sila sa mga mosque kasi sagradong lugar ito, hindi naman ito military target.” Pahayag ni Año
Martial Law extension
Nagpaliwanag din si Año sa di umano’y rekomendasyon nila ni PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa na palawigin pa ang Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay Año, laging depende sa sitwasyon ang posisyon nila ni Dela Rosa sa isyu ng pagpapalawig sa Martial Law.
Mas nanaisin pa aniya nila na mas mabilis na maibalik san normal ang sitwasyon sa Mindanao lalo na sa Marawi City.
Una nang nagpasalamat si Año sa pagpapatibay ng Korte Suprema sa legalidad ng deklarasyon ng Martial Law.
“Lalong naging high spirit ang mga sundalo natin kahit hindi pa tapos ang ating misyon, we can assure our citizen that we are focused to carry on the fight for the liberation of Marawi to be achieved the soonest time possible.” Dagdag ni Año
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Tagumpay kontra Maute sa Marawi abot kamay na ng militar was last modified: July 5th, 2017 by DWIZ 882