Iinspeksyunin na sa mga paliparan at iba pang port entry ang mga ‘carry-on baggage’ o mga dala-dalang bagahe ng mga Pilipino na magtutungo sa bansang Taiwan.
Ito, ayon sa isang ulat ng Taiwan News, ang inanunsyo ng Central Emergency Operation Center bilang hakbang ng Taiwan laban sa paglaganap ng African Swine Fever (ASF).
Ayon sa ulat, kabilang na ang Pilipinas sa listahan ng Taiwan ng mga bansang may malaking tiyansa ng pagkakaroon ng kaso ng ASF.
Kasunod ito ng hindi pa tukoy na dahilan ng pagdami ng bilang ng kaso ng mga namamatay na baboy sa iba’t ibang bahagi ng Pilipino.
Mayroon na umanong mga hindi pa napapaulat na kaso ng ASF sa mga lalawigan ng Bulacan at Rizal.
Samantala, sinabi naman ng Department of Agriculture na ipinadala na sa ibang bansa ang blood samples ng mga baboy sa Pilipinas upang isailalim sa pagsusuri at matukoy ang dahilan ng sunod-sunod na kaso ng pagkamatay ng mga ito.
Magugunitang tiniyak din ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol noong Hunyo na walang ASF sa bansa.