Huli sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Taiwanese na wanted dahil sa panloloko sa kanyang mga kababayan ng mahigit $7.1-M bilang investment scam dalawang taon na ang nakakaraan.
Kinilala ang suspek na si Li You-Ci, 31-anyos na inaresto sa Camp Crame, Quezon City matapos ma-rescue ng mga otoridad mula sa kanyang mga kidnapper pero lumabas sa record ng BI na si Li ay wanted umano sa kanilang bansa.
Sa bisa ng Mission order na inisyu ni Commissioner Jaime Morente, inaresto si Li dahil narin sa kahilingan ng mga otoridad sa Taiwan.
Si Li ay tinutukoy sa isang Outstanding Arrest Warrant na inisyu noong Abril ng Kinmen District Prosecutor’s Office sa Taiwan at lumalabas din sa record ng BI’s Travel Database na overstaying na nang mahigit dalawang taon ang naturang dayuhan na nagpanggap din sa bansa bilang isang turista noong August 2019.
Nakatakda na ngayong ipadeport sa bansa ang naturang dayuhan. —sa panulat ni Angelica Doctolero