Isinailalim na electronic surveillance ng awtoridad sa Taiwan ang mga suspek sa pagpapadala ng mahigit sa anim na bilyong pisong halaga ng shabu sa Pilipinas.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Ferdinand Lavin, Deputy Director ng NBI at Hepe ng NBI International Operations, sa pinakahuli nilang impormasyon ay nasa China ngayon ang mga suspects.
Patuloy aniya ang koordinasyon nila sa TECO o Taiwan Economic and Cultural Office upang hindi makawala ang mga suspects.
Tumanggi si Lavin na isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga suspects upang hindi maalarma ang mga ito.
Samantala, nagpahayag naman ng pangamba si Lacson na mauwi sa wala ang paghahabol sa mga Taiwanese suspects dahil wala pa namang basehang kaso para arestuhin ang mga ito.
“Kasi kung wala pang warrant of arrest dito kasi wala pang information na nafa-file, we should at least ask the Taiwan counterparts kung meron silang holdings, or case filed against these Taiwanese, if not futile din ang effort natin.” Pahayag ni Lacson
(Ulat ni Cely Bueno)