Muling magbabago ng opensa ang Armed Forces of the Philippines o AFP laban sa mga natitirang miyembro ng Maute Group sa Marawi City.
Ito ay ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, batay sa napagkasunduan sa naging pagpupulong nina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP Chief General Eduardo Año at ng mga ground commanders.
Aniya, layon nito ang tuluyang malansag ang Maute Group, mabawi ang lungsod, mailigtas ang mga naiipit pang mga sibilyan hanggang sa masimulan na ng rehabilitasyon sa Marawi City.
Paglilinaw ni Arevalo, suhestiyon lamang ang ibinigay nila Esperon, Lorenzana at Año at may kalayaan pa rin ang mga ground commanders na magpatupad ng istratehiyang sa tingin nila ay nararapat.
Death toll
Sumampa na sa mahigit limang daan (500) ang bilang ng mga nasawi sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahaalan at Maute group sa Marawi City.
Batay sa tala AFP umaabot na sa tatlung daan at pitumpu’t siyam (379) ang bilang ng napapatay na mga terorista.
Habang nasa walumpu’t siyam (89) naman sa tropa ng pamahalaan at nanatili sa tatlumpu’t siyam (39) ang mga sibilyang pinatay ng Maute group.
Una nang sinabi ng AFP na aabot na lamang sa walumpung (80) mga Maute group members ang kanilang patuloy na hinahabol na nananatili pa sa loob ng Marawi City.
By Krista de Dios / ulat ni Jonathan Andal (Patrol 31)
Taktika sa paglaban sa Maute group babaguhin na ng militar was last modified: July 10th, 2017 by DWIZ 882