Sisimulan nang imbestigahan ng Senado bukas ang iba’t ibang reklamo hingil sa text scams at tatalakayin ang mga panukalang batas para masolusyunan ito.
Pangungunahan ni Senator Grace Poe ang pagdinig bilang Chairperson ng Committee on Public Services.
Kabilang sa ipatatawag sa pagdinig ang National Privacy Commission, Department of Information and Communications Technology at Telecommunications Companies.
Pagpapaliwanagin din ang Department of Trade and Industry sa naglipanang text blasters at paggamit ng iba pang gadgets para sa mga aktibidad ng panloloko.
Bukod sa spam texts marketing ng iba’t ibang produkto, kinumpirma ng Senador na nakatanggap na rin siya ng mga mensahe at tawag mula sa mga taong nagpapanggap na opisyal ng gobyerno at humihingi ng tulong pinansyal.
Kabilang sa Panukalang Batas na tatalakayin ay ang Sim Card Registration Bill na target ni Senator Poe na maaprubahan sa Nobyembre.
Aminado si Poe na kailangan nilang mag-double time upang maipasa ang nasabing panukala na nakikitang nilang solusyon kontra sa laganap na text scams, lalo’t naging sopistikado na dahil nagagamit na mismo ang personal data ng mga subscriber. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)