Dahil sa mabilis na pag-iisip at pagkilos ng isang batang lalaki mula sa Brazil, isang inosenteng buhay ang nailigtas mula sa tiyak na kapahamakan.
Sa CCTV footage, nakita ang batang si Thiago Magalhães na sumakay sa isang elevator kasama ang kanyang alagang asong si Milú.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, naipit ang leash o tali ni Milú sa pagitan ng mga pintuan ng elevator at mabilis na nahila pataas!
Mabuti na lamang, mabilis ding umaksyon si Thiago at natanggal agad ang tali mula sa kanyang aso.
Palabas sana sina Thiago at Milú mula sa kanilang building upang maglakad nang mangyari ang insidente sa elevator.
Ayon kay Thiago, nakaramdam siya ng desperasyon at takot nang makitang nakabitay na ang kanyang pinakamatalik na kaibigan.
Sa kabila nito, ginawa pa rin niya ang lahat upang mailigtas si Milú, kahit siya mismo, hinihila na rin ng elevator.
Aniya, hindi niya alam kung saan niya nakuha ang kanyang tapang; bigla na lamang siya kumilos.
Nang matanggal niya ang tali ni Milú, pareho silang napabagsak. Matapos ng ilang sandali, nanghingi ng emergency assistance ang bata.
Ligtas namang nakalabas ang dalawa.
Ayon sa ama ni Thiago na si Rodrigo, natakot siya sa nangyari dahil seryoso ang naging sitwasyon na maaaring humantong sa kamatayan ng aso at ng kanyang anak.
Ngunit dahil sa ipinakitang katapangan at kabayanihan ni Thiago, matagumpay niyang nailigtas ang pinakamamahal niyang kaibigan mula sa kamatayan.